MANILA, Philippines – Tuloy na ang pagbitay sa tatlong Pinoy na sinentensyahan ng kamatayan dahil sa pagpupuslit ng kilu-kilong cocaine sa China.
Sa pulong balitaan, sinabi ni Chinese Ambassador to Philippines Liu Jianchao, na naninindigan ang China na “final and executory” ang desisyon at tuloy na ang gagawing execution kina Ramon Credo, Sally Villanueva at Elizabeth Batain na tinawag nitong kriminal at drug traffickers.
“I would like to confirm that the three criminals who have been sentenced to death are at the moment still alive. But the verdict is the final verdict. So the penalty will be carried out sooner or later and everything will be done in accordance with the law in China,” ani Jianchao.
Sinabi ni Jianchao na ang unang pasya ng Chinese government na ipagpaliban ang pagbitay kina Credo, Villanueva at Batain ay bilang humanitarin consideration lamang at ang parusang kamatayan sa kanila ay pinal na. Nanindigan si Jianchao na walang puwang sa kanilang bansa ang mga drug traffickers na bumibiktima sa mga mamamayang Tsino.
Inalis na rin aniya ang posibilidad na mabibigyan pa ng “reprieve” ang tatlo.
“Sentence on drug traffickers in accordance with Chinese laws. I hope that Chinese laws will be respected by our Filipino friends and we should like to have cooperation with Phil govt in working with China in working against drug activities and trafficking so that our two peoples will not be victimized in any sense,” giit ni Jianchao.
Wala pang naitatakdang araw sa pagbitay na isasagawa umano sa lalong madaling-panahon.
Nilinaw naman ng Chinese Ambassador na walang kinalaman ang usapin sa pinag-aagawang Spratlys sa pagbitay sa tatlong Pinoy.
Aminado naman ang Malacañang na wala na itong magagawa upang pigilan pa ang nakatakdang pagbitay.
Sa kabila nito gagawin pa rin ng gobyerno ang lahat ng paraan upang ‘mabago’ ang desisyon ng Chinese Supreme Court at gawing habambuhay na lamang ang hatol. (May ulat ni Rudy Andal)