MANILA, Philippines - Isyu sa kung sino ang mas guwapo at lapitin ng babae ang dahilan umano ng rambulan sa pagitan ng dalawang grupo ng mga tomboy na kliyente ng isang bar sa Malate, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Matapos ang bugbugan, sugatang naghain ng kaniya-kaniyang reklamo sa Manila Police District-Women and Children Concern Division (WCCD) sina Rose Ann Siriban, 21; Sharmaine Ruth Garingo, 23; Mylene Lacorda, 24, Janine Jalocon, 26; Pauline Buencamino 23; Riza Asenda, 25; Clarissa Cusanel, Hansel Eusebio, Joebeth Hernandez at Lovely Muyot.
Sa reklamo ni Siriban, dakong alas-4 ng madaling araw nang magpang-abot sila ng kabilang grupo sa harap ng Chairwood bar na nasa Taft Ave., Maynila.
Napaatras umano ang grupo ni Siriban dahil lima lamang sila sa grupo subalit pinalibutan sila ng may 20 tomboy sa kabilang grupo hanggang magkasapakan.
Ani pa ni Siriban kay C/Insp Anita Araullo, nang tumakbo siya sa Kalumayan Hotel, hinabol pa siya doon at naramdaman niya na lang na may pumalo sa ulo niya ng bato at may tumatadyak at nanununtok sa kaniya, habang nakayuko na.
Hindi umano siya sinaklolohan ng guwardiya ng hotel o inawat ang mga gumugulpi at sa halip ay itinaboy silang papalabas. Nang makita siya ng mga kaibigan ay isinugod siya sa Ospital ng Maynila.
Ang kabilang grupo din ay nagpa-medical sa OSMA upang gamiting ebidensiya laban sa grupo ni Siriban.
Ayon pa kay Araullo, pinagpiyestahan ng mga usisero ang nagrarambulan dahil walo sa kanila ang nawalan ng cellphone.