MANILA, Philippines - May 30 Pinoy seamen ang umano’y na-trap sa isang hotel sa Fukushima, Japan malapit sa sumabog na Fukushima Daiichi Nuclear Plant kasunod ng pagtama ng 8.9 magnitude na lindol na nagdulot ng matinding tsunami noong Biyernes.
Ayon kay Ambassador to Japan Manolo Lopez ng Embahada ng Pilipinas sa Tokyo, nakikipag-ugnayan na sila sa Japan authorities upang agad na matunton at mailikas ang kinaroroonan ng 30 Pinoy seamen na sinasabing nasa isang hotel at wala ng makain at inumin habang wala ring kuryente sa kanilang kinalalagyan. Ang 30 Pinoy seamen ay pawang nagtatrabaho sa MV Coral Ring cargo vessel na nakabase sa Onahama, Japan at nakadaong sa Fukushima. Wala pa rin umanong natatanggap na saklolo ang nasabing mga Pinoy sa kanilang employer na Mercurity Shipping Corporation.
Kamakalawa ay inutos na ng pamahalaang Japan na lumikas ang mga residente sa Fukushima dahil sa pagsabog ng nuclear plant na nagdudulot ng matinding radiation leak o pagtagas.
Base sa repot, may 200,000 katao na sa Fukushima ang lumikas at 9 katao naman ang nag-positibo sa radiation matapos na kapitan ang kanilang balat at kasuotan.
May 1 milyon ang populasyon sa Sendai at 1,309 Pinoy ang nakatira dito na hanggang ngayon ay hindi ma-account.