MANILA, Philippines - Walang balak si Ombudsman Merceditas ‘Merci’ Gutierrez na magbitiw o umalis sa kanyang puwesto bilang chief Ombudsman hanggang hindi natatapos ang kanyang termino dahil isang “sarzuela” o “moro-moro” lang ang paggulong sa Kongreso ng pagpapatalsik sa kanya sa pamamagitan ng “impeachment.”
Sa panayam kay Gutierrez, sinabi nito na paghihiganti lang ang motibo ng mga mambabatas sa pagsusulong ng impeachment case laban sa kanya.
Binatikos ni Gutierrez si House Justice Committee chairman Rep. Niel Tupas, na aniya’y dapat ‘nag-inhibit’ sa usapin dahil sabit umano ito at ang kanyang ama na si dating Iloilo Gov. Niel Tupas, Sr., sa mga kasong katiwalian na dinidinig ngayon ng Ombudsman.
Sinabi ni Gutierrez, sa halip aksayahin ang kanyang panahon sa pagpunta sa Kongreso, mas pinaghahandaan na niya ang pagharap sa Senado sa sandaling aprubahan ng Kongreso ang pormal na paglilitis para sa kanyang pagpapatalsik bilang chief Ombudsman.
Batay sa Saligang Batas, magsisilbing ‘impeachment court’ ang Senado sa sandaling makalusot sa Kongreso ang isang impeachment complaint laban sa Ombudsman.
“I was denied my right to due process, their objective is to railroad the process...I feel this is vengeance,” sabi ni Gutierrez.
Noong isang linggo ay ipinatawag ng Kamara si Gutierrez para dinggin ang kanyang panig pero binalewala lang niya ito at ang abogado niya ang humarap sa mga kongresista.
Nauna rito, sinabi ni Tupas na kailangan nang sumipot sa kanilang pagdinig bukas si Gutierrez.
“She has to personally appear before us to affirm her statements she submitted on Friday. Otherwise, it’s just a mere scrap of paper,” anito.
Sabi ni Gutierrez, walang saysay na humarap pa siya sa Kongreso dahil buo na ang desisyon ng mga kongresista na sipain siya sa puwesto.