MANILA, Philippines - Tumanggap na kahapon ng tig-$1,000 ang may 12 biktima ng pang-aabuso sa karapatang pantao, noong panahon ng yumaong si Pangulong Ferdinand Marcos, bilang kumpensasyon para sa kanilang dinanas na paghihirap.
Ito ang unang pagkakataon na tumanggap ang mga biktima ng kumpensasyon simula nang maghain ng class suit noong 1986.
Ang ceremonial turnover ng mga tsekeng kumpensasyon ay ginanap sa Club Filipino sa Greenhills, San Juan kahapon.
Mismong si American Lawyer Robert Swift, lead counsel ng mga biktima, at ang kaniyang mga Pinoy co-counsel, sa tulong ni Commission on Human Rights (CHR) chairman Etta Rosales, ang namahagi ng mga tseke sa mga claimants, na kinatawan ng kani-kanilang mga pamilya.
Ang naturang halaga ay nabatid na ipinagkaloob ni Judge Manuel Real ng US District Court ng Hawaii matapos nitong aprubahan noong nakaraang buwan ang pamamahagi ng may $7.5 million sa 7,526 eligible human rights victims.
Nabatid na taong 1986 pa nang ihain ng mga biktima ang naturang lawsuit sa Hawaii court, matapos na mapatalsik si Marcos.