MANILA, Philippines - Umabot sa 686 sunog ang naitala ng Bureau of Fire Protection sa bansa nito lang Enero 2011.
Base sa talaan ng BFP Intelligence and Investigation Division, sa kabuuang 686 kung saan 68 katao ang nasawi, nasa 512 ang accidental fires, 17 ang intentional, 150 ang iniimbestigahan, habang pito ang hindi pa matukoy ang dahilan. Kabuuang halagang P240 milyon naman ang napinsalang ari-arian.
Kaya naman sa pangambang lalong lumobo ang naturang bilang sa pagpasok ng Marso, ang itinuturing na Fire Prevention month, inatasan kahapon ni DILG Jesse Robredo ang BFP na maging vigilante sa kanilang kampanya sa sunog upang maiwasan ang ganitong kataas na bilang. Itinuturing ang buwan ng Marso na mas kritikal bunga na rin ng mainit na panahon na nagiging sanhi ng sunog.