MANILA, Philippines - “We have to make a choice!”
Ito ang sinabi ni Senator Miriam Defensor-Santiago sa gitna ng ulat na malaki ang galit ng Taiwan sa Pilipinas dahil sa ipina-deport na 14 na Taiwanese sa mainland China sa halip na sa kanilang bansa.
Ayon kay Santiago, imposible na parehong ma-please ng Pilipinas ang Taiwan at China kaya dapat magdesisyon ang Pilipinas.
Isa aniyang patunay sa galit ng Taiwan ang ipinalabas nitong kautusan na mas magiging mahaba na ang pag-aaplay ng visa at mas magiging komplikado para sa mga Filipino applicants.
Ayon kay Santiago, ang nasabing kautusan ay maliwanag na isang warning para sa gobyerno ng Pilipinas na kung magkakamali ito ng desisyon sa pag-aayos ng gusot na idinulot ng pagpa-deport ng mga Taiwanese ay maaapektuhan ang nasa 90,000 Filipino.
Isang “zero-sum decision” aniya ang dapat gawin ng gobyerno dahil tiyak na ang Pilipinas ay “mamangka” sa pagitan ng China at Taiwan.
Inihayag pa ni Santiago na mabuti na rin ang ginawa ng Pilipinas na pagpapadala kay dating senator Mar Roxas sa Taiwan upang makipag-negosasyon pero nagbabala ito na posibleng walang mapala dito ang Pilipinas lalo na’t teritoryo at soberenya na ang pinag-uusapan.
Hindi na rin aniya isyu kung hihingi ng tawad ang gobyerno ng Pilipinas sa Taiwan kundi ang ‘physical presence’ ng mga ipina-deport ng Taiwanese sa mainland China.
Iniulat kahapon ng umaga ni Roxas na labis umano ang galit ng pamahalaan ng Taiwan sa ginawa ng Pilipinas kaugnay sa pagpapa-deport sa 14 nilang kababayan sa China.
Ipinabatid pa umano ng Taiwan kay Roxas na mahalaga sa kanila ang kanilang national pride.