MANILA, Philippines - Matatambakan pa lalo ng mga kasong kriminal ang pamilya Ampatuan nang matagpuan pa ang mga kalansay ng ilang di pa kilalang mga biktima ng tinaguriang ‘chainsaw massacre’, na naganap din sa Maguindanao.
Naniniwala ang Department of Justice (DOJ) utak ang mga Ampatuan sa nasabing krimen.
Sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima na noong siya pa ang chairman ng Commission on Human Rights ay sinimulan na nilang imbestigahan ang mga kaso ng pagpatay at nahirapan silang makakuha ng search warrants subalit nabawi naman ito nang matagpuan ng mga imbestigador ang kinaroroonan ng mga parte o kalansay ng mga biktima ng pamamaslang.
Noong una umano ay halos ayaw pang magbigay ng impormasyon ang kanilang asset hinggil sa “chainsaw killing” at noong nakalipas na linggo lamang, isang testigo ang lumutang at nagturo sa gravesites o pinagbaunan ng mga kalansay.
Unang natukoy ang taniman ng mais sa Sitio Tabadiya, Barangay Timbangan, na sinasabing pag-aari ng dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Governor Zaldy Ampatuan, na nasangkot din sa Maguindanao massacre.
Ikalawang natunton ang grave site sa Barangay Limpongo, Datu Hoffer noong Biyernes lamang ng umaga.
Nagtungo sa Maguindanao noong Sabado ang kalihim upang personal na makita ang forensic evidence na magagamit sa pagsasampa ng kaso particular sa tinaguriang chainsaw massacre.
Dalawa na ang inisyal na kinilala, habang isinasailalim pa sa forensic at DNA testing ang iba pang kalansay.
Sa nakuhang testimonya sa pamilya ng mga biktima, ang dalawa ay pinatay umano ni Datu Andal Ampatuan Jr.
Ihahanda na ng DOJ ang mga kasong ihahain laban kay Andal Jr. at iba pang sangkot sa krimen sa oras na matapos ang pagkilala sa mga labi.