MANILA, Philippines - Personal nang nakipagkita at nakipagpulong kahapon ang ipinadalang sugo ng Pilipinas na si Vice President Jejomar Binay sa mga matataas na opisyales ng China upang sagipin ang tatlong Pinoy na nakatakdang bitayin sa Lunes at Martes.
Sa pulong balitaan sa Department of Foreign Affairs kahapon ng hapon, sinabi ni DFA Spokesman Atty. Ed Malaya na dumating ang delegasyon ng Pilipinas sa Beijing dakong alas-12:00 ng tanghali na sinalubong ng mga opisyales ng Ministry of Foreign Affairs ng China, Chinese Ambassador to the Philippines Liu Jianchiao at Phl Ambassador to China Francisco Benedicto.
Ayon kay Malaya, alas-2 ng hapon nang makaharap ni Binay kasama si Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Workers Affairs Esteban Conejos Jr. ang Pangulo ng China’s Supreme People’s Court (SPC) na si Wang Shen Jun at mga Chinese high-ranking officials at masinsinang tinalakay ang paghingi ng pabor ng Pilipinas upang isalba sa bitayan ang tatlong Pinoy na sina Sally Villanueva, 32; Ramon Credo, 42; at Elizabeth Batain, 38.
Bago tumulak si Binay pasakay ng eroplano patungong Beijing, sinabi nito na hihilingin niya sa mga matataas na opisyales ng China na mabigyan ng commutation o mapababa sa parusang habambuhay na pagkabilanggo ang tatlong Pilipino.
Ang kahilingan ng Pilipinas ay bilang humanitarian grounds para sa mga Pinoy na nabiktima lamang ng international syndicate at hindi gawain ang magpuslit ng illegal drugs.
Iginiit din ni Binay na kaisa ng China ang Pilipinas sa mahigpit na kampanya laban sa drug smuggling o pagpupuslit ng droga.
Sinabi ni Binay kay SPC Chief Wang at iba pang Chinese officials na kaharap sa meeting na nirerespeto ng Pilipinas ang naging hatol ng korte ng China sa tatlong Pinoy subalit bilang isang makatao, ay nais ni Pangulong Benigno Aquino III at ng sambayanang Pilipino na hindi mabitay ang tatlong Pinoy dahil hindi isinasagawa ang parusang kamatayan sa Pilipinas.
Iginiit ni Binay sa mga Chinese officials na marapat lamang na mabigyan ng mas mababa sa parusang bitay ang tatlong Pinoy dahil naging biktima lamang sila ng mga international drug syndicates habang nagpapatuloy ang mahigpit na kampaya ng pamahalaan laban sa drug trafficking.
Iginiit ni Binay na ang huling pagtugon ng China na makapunta siya sa Beijing ay isang espesyal na konsiderasyon ng Pilipinas at nagpapakita ng maganda pa ring relasyon ng Pilipinas at China.