MANILA, Philippines - Bilang bahagi ng programa ng pamahalaang lungsod ng Olongapo sa pagtataguyod sa kapakanan ng mga maralitang taga-lungsod, pinagkalooban ni Mayor James “Bong” Gordon, Jr. ng tulong pinansiyal ang may 20 pamilya ng mga illegal settlers na pinaalis sa kanilang tinitirhan kamakailan.
Ang mga pamilya na nagtayo ng mga barung-barong sa Parola, Barangay Kalakalan ay pinaalis ng DPWH dahil ang kanilang mga bahay ay nasa bunganga ng ilog ng Kalaklan at nasa tabi ng bundok ng mga buhangin na galing sa kalapit na dagat kung kaya’t ito’y nanganganib sa baha at landslide.
Ayon kay Kalaklan Brgy. Captain Ricardo Federico, ang mga iskwater ay galing sa relocation site sa Nagbaculao kung saan pinalipat ang mga dating illegal settler sa Parola mahigit 20 taon na ang nakakaraan.
Ibig sabihin, ani Federico, ay may mga sarili ng lupa ang mga ito kaya wala ng dahilan para muling okupahin ang ibabang bahagi ng parola na nasa tabi ng ilog. Ang Parola ay isang makasaysayang lugar dahil dito nakatayo ang kauna-unahang parola o lighthouse sa Olongapo at ito ay isang tourist attraction.