AFP nagdeklara na rin ng ceasefire

MANILA, Philippines - Nagdeklara na rin kahapon ng sariling bersyon ng tigil putukan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay ng panu­numbalik muli ng naudlot na peace talks sa pagitan ng GRP peace panel at ng CPP-NPA-NDF sa Oslo, Norway mula Pebrero 14 hanggang Pebrero 21.

Ayon kay AFP Spokesman Brig. Gen. Jose Mabanta Jr., tulad ng deklarasyon ng NPA ay oobserbahan nila ang ceasefire mula alas-12:01 ng madaling araw ng Pebrero 14 na ta­tagal dakong alas-11:59 ng hatinggabi sa Pebrero 21.

Sa kabila nito, sinabi ni Mabanta na habang inoobserbahan ang ceasefire ay mananatili sa defense mode ang tropa ng pamahalaan upang mapigilan ang posi­bleng pananabotahe ng NPA, ang armed wing ng CPP.

“However this will not preclude our soldiers from taking action in self-defense and to protect communities from armed threats. Your soldiers will give primacy to the peace process by employing military capability only when necessitated by security considerations”, ani Mabanta.

“We hope that this gesture shall pave the way for winning the peace and permanently put an end to armed conflict. The Armed Forces of the Philippines stands to respond and address any violent attempt by the armed threat groups,” ang sabi pa ng opisyal.

Kinondena rin ni Mabanta ang pagpapasabog ng landmine ng NPA sa Maco, Compostela Valley kamakalawa o sa mismong bisperas ng tigil putukan na ikinasawi ng isang sibil­yan habang anim pa ang nasuga­tan kabilang ang dalawang sundalo.

Show comments