MANILA, Philippines – Dapat umanong tiyakin ngayon ng Kongreso na may mangyayari at makabubuo ng epektibong batas sa nagpapatuloy na pang-uungkat tungkol sa sinasabing malawakang katiwalian sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Umaasa ang mga mambabatas na hindi mauuwi sa wala o mabibitin lang ang nasabing pagsisiyasat na naging instrumento na ng political grandstanding at pag-aakusa o pagdidiin ng wala pang sapat na ebidensya.
Sinabi ni Ang Kasangga Partylist Rep. Teodorico Haresco na trabaho ng Kongreso na mag-imbestiga sa layong lumikha ng lehislasyong magiging solusyon sa problema, na karaniwang natatabunang nakabitin na lamang ang mga ito at pag-aaksaya ng panahon ng mga mambabatas gayundin ng buwis ng taumbayan.
Ayon kay Haresco, ang kaso ng pagkamatay ni dating Defense Sec. Angelo Reyes bilang halimbawa sa kung paano nakakaapekto sa buhay ng tao ang mga pampublikong pagdinig ng Kongreso.
Gayunman, sinabi ni Western Samar Cong. Mel Senen Sarmiento kasabay ng apela sa kapwa mga mambabatas na higit na magkaroon ng respeto sa mga ipinatatawag na indibidwal para imbestigahan. Sa gitna aniya ng paghahangad ng dalawang Kapulungan na mapalutang ang katotohanan, hindi umano dapat makalimot sa pagrespeto sa karapatan ng mga nadidiin at pag-ingatang makapanira ng pangalan at reputasyon nang walang matibay na batayan.