MANILA, Philippines - Sa Libingan ng mga Bayani nakatakdang ilagak ang mga labi ng yumaong dating Armed Forces Chief of Staff na si Angelo Reyes.
Ito ang sinabi kahapon ni Patricia Daza, ang tagapagsalita ng pamilya Reyes.
Gayunman, wala pa umanong pinal na plano kung kailan ang petsa ng libing ng heneral o kung kailan dadalhin ang labi nito sa AFP general headquarters sa Camp Aguinaldo sa Quezon City. Kasalukuyang nakalagak ang labi sa Ascension Chapel sa kahabaan ng Araneta Avenue, QC.
Ayon naman kay Prime Berunia, dating executive secretary ni Reyes, posibleng sa araw ng Linggo ilibing si Reyes sa Libingan ng mga Bayani..
Nilinaw naman nito na hindi pa pinal ang naturang plano dahil hinihintay pa nila ang pagdating sa bansa ng kapatid nitong si Lito mula sa United States.
Nauna nang inalok ng AFP ang pamilya Reyes na mamili kung saan nila nais na iburol ang yumaong heneral.
Apat na lokasyon umano sa Camp Aguinaldo ang sinasabing iniaalok para pagburulan kay Reyes, kabilang ang St. Ignatius Church, AFP Theater, AFP Grandstand at AFP Canopy.
Plano rin ng AFP na bigyan ng full military honors si Reyes kung pahihintulutan umano ng pamilya nito, sa kabila nang ulat na winakasan nito ang sariling buhay.
Kabilang umano sa ipagkakaloob kay Reyes ay arrival at departure honors, vigil guards na una nang naibigay, necrological services na isasagawa sa gabi bago ang internment, internment honors, 19-gun salute, flower drop at paglilibing dito sa Libingan ng mga Bayani.
Kahapon, dagsa na ang mga kilalang personalidad na dumalaw sa labi ni Reyes tulad nina dating pangulong Fidel V. Ramos, at dating DILG secretary Rafael Alunan.
Una rito, ipinagbawal ng pamilya ni Reyes samga kritiko na sumilip o dumalaw man lamang sa labi nito.
“The family is very devastated. To all concerned, they request that those people who maligned, who belittled and humiliated the secretary in public and in media not come anymore to pay their respects,” sabi ni Daza.
Partikular na tinukoy sa mensahe ang grupong 1-UTAK, ang party-list group na bumalewala sa nominees ni Reyes noong Mayo 10 elections matapos makuwestiyon ang kuwalipikasyon nito.
Giit sa mensahe ang mahigpit na pagbabawal sa kanila, gayundin sa mga abogado at politikong nanira anya sa dating heneral ng AFP.
“Huwag na kayong pumunta, huwag na kayong magpadala ng dasal at mga bulaklak. Hindi ho yan tatanggapin ng pamilya,” sabi ni Daza. (Dagdag ulat ni Ricky Tulipat)