MANILA, Philippines - Sinuspinde ng Office of the Ombudsman ang isang opisyal ng Bureau of Customs dahil sa hindi maipaliwanag na yaman at pagkakaroon ng armory ng 13 matataas at mamahaling kalibre ng baril, real properties at mga sasakyan.
Batay sa 7-pahinang kautusan na inaprubahan ni Deputy Ombudsman for Luzon Mark E. Jalandoni, kinatigan nito ang hiling ng Department of Finance-Revenue Integrity Protection Service (DOF-RIPS) na isailalim sa preventive suspension si Mitchell V. Verdeflor, Intelligence Officer I ng BOC.?Iginiit sa nasabing kautusan na ang mga nakalap na ebidensiya ay sapat at may matibay na basehan para suspendihin si Verdeflor, bagamat hindi naman nakasaad kung hanggang kailan ito suspendido.
Sakaling mapatunayan ang reklamo ng DOF-RIPS laban kay Verdeflor noong Hulyo 13, 2009, maaring masibak sa serbisyo si Verdeflor alinsunod sa act of dishonesty at grave misconduct.
Kabilang sa kinukuwestiyong pag-aari ni Verdeflor ang 13 high-powered at mamahaling AK-47, high powered rifle Galil, Machine Pistol, high powered rifle Tavor, Glock, Colt, Remington at Smith and Wesson handguns.
Bukod pa ito sa kanyang dalawang residential lands sa Pascual subdivision Buayan, General Santos City na nakapangalan sa kanyang maybahay at commercial building sa no. 17-A Atis st. Dadiangas West, General Santos City, na nasa pangalan din ng misis nito.
Tatlong behikulo na kinabibilangan ng Toyota Altis 2006 model (ZDA-718); Nissan Patrol 2007 model (JW-558) at isang Mitsubishi Pajero, 2003 model (MVV-101).?Ang mga nasabing yaman ay hindi nakasaad sa kaniyang Statements of Assets Liabilities and Networth (SALN) na sinasabing hindi niya makakamit kung pagbabatayan lamang ang kaniyang sources of income.