MANILA, Philippines – Nilabag umano ng isang mining firm ang suspension order ng Mines and Geosciences Bureau sa mineral ore export permit ng mag-load ito ng dagdag na 600 metric tons ng chromite kamakalawa sa naunang ikinargang 4,800MT sa Port Baloganon, Masinloc, Zambales.
Ayon sa Consolidated Mines Inc., una nang naglabas ng kautusan ang MGB na suspendido ang export permit kaya walang dahilan para magkarga ng chromite sa barko ang Geo King Asia Mining Corporation.
Subalit sa kabila nito ay isinagawa ang loading ng alas 10:15 ng gabi at natapos ng ala 1:45 ng hapon kamakalawa.
February 1, 2011 ng ilabas ng Court of Appeals 16th division ang status quo order ngunit itinuloy pa rin umano ng Geo King ang pagkarga ng chromite sa barko.
Nabatid na milyong halaga ang nawawala sa kaban ng bayan dahil sa umano’y paglabag na ito ng Geo King na ayon sa CMI ay maaring umiiwas ang naturang kompanya na magbayad ng malaking buwis sa gobyerno.
Nadiskubre rin ng CMI na walang working permit ang 39 na Chinese workers ng Geo King o illegal na nagtatrabaho sa Coto mines at Port Baloganon.
Nanawagan ang CMI sa DOJ, BI, DOLE na aksiyunan ang naturang problema sa mga illegal workers ng Geo King.