MANILA, Philippines – Mananatili pa rin sa Immigration watch list si Sen. Panfilo Lacson sa kabila ng pagkaka-abswelto ng Court of Appeals (CA) sa Senador kaugnay sa Dacer-Corbito double murder case.
Nilinaw ni BI officer-in-Charge Ronaldo Ledesma na kailangan pa umano ng isang kautusan para maalis sa watch list ang pangalan ni Lacson subalit hanggang sa kasalukuyan ay wala pa silang natatanggap na kautusan mula sa korte.
Ipinaliwanag ni Ledesma na kung kasama sa kautusan ng CA na i-lift ang travel watch list kay Lacson ay awtomatiko nila itong gagawin.
Una nang iginiit ni Justice Secretary Leila de Lima na mananatili pa rin ang arrest warrant ng Senador hanggang walang final judgement ang hukuman na nagbabasura sa double murder case ni Lacson kaugnay sa pagpaslang sa PR man na si Salvador “Bubby” Dacer at driver nitong si Emmanuel Corbito noong Nobyembre 2000.
Nagbanta naman kahapon ang abogado ni Lacson na si Atty. Alexander Poblador na maghahain sila ng kaso laban sa mga opisyal ng DOJ kung arestuhin nila ang senador sa sandaling lumutang ito.
Naniniwala si Poblador na kasamang napawalang bisa ang warrant of arrest ng katigan ng CA ang pagbasura sa double murder laban sa kanyang kliyente.