MANILA, Philippines - Itinakda ng National Police Commission (Napolcom) ang pagbibigay ng PNP Entrance and Promotional Examinations sa darating na Abril 17 para sa mga nais maging miyembro ng pulisya.
Ngunit hindi tulad ng mga nakaraang pagtanggap ng aplikasyon, sinabi ni Napolcom Vice-Chairman Eduardo Escueta na binago nila ang ilang proseso kung saan kinakailangang personal na magtungo sa tanggapan ng Napolcom ang mga aplikante at isumite ang kanilang aplikasyon upang maiwasan ang “identity switch” o palitan ng tao na kukuha ng pagsusulit.
Ang mga interesadong maging pulis ay maaaring magsumite ng kanilang aplikasyon mula Pebrero 7 hanggang Marso 11, 2011. Bukas ang aplikasyon sa lahat ng sibilyan na nagtapos ng kolehiyo, hindi lalagpas ng 30-taong gulang, may taas na 1.62 metro sa lalaki at 1.57 sa babae.
Ang mga papasa sa pagsusulit ay makakakuha ng ranggong Police Officer 1 habang ang mga papasa sa promotional exam ay aakyat sa ranggo na katumbas ng kinuhang “Eligibility Rank Coverage (ERC)”.
Tinatayang nasa 2,000 examinees lamang ang tatanggapin ng Napolcom para sa PNP Entrance exam at 2,500 sa promotional exam. “First-come, first-served basis” ang pagtanggap ng aplikante.
Sinabi ng Napolcom na kanilang dadagdagan ang mga katanungan ukol sa values upang makatiyak sila na ang mga makukuhang bagong pulis ay may kapabilidad na maging matino at hindi makasama sa mga bugok na recruits makaraan ang sunud-sunod na pagkakasangkot ng mga alagad ng batas sa katiwalian at krimen kamakailan.