MANILA, Philippines - Kinalampag ng isang Filipino manpower company ang Department of Justice (DOJ) at Department of Labor and Employment (DOLE) upang siyasatin ang mga posibleng paglabag ng Samsung Electronics Philippines Corporation (SEPCO).
Dahil ito sa sinasabing syndicated at large-scale illegal recruitment ng mga opisyal at tauhan ng kumpanya sa pamamagitan ng pamimirata ng mga empleyado ng Filipino-owned recruitment agency.
Iginit ng kumpanya na kasabay ng pagsisikap ng pamahalaan na mang-akit ng mga dayuhang mamumuhunan, dapat ding tiyakin ang pagpapatupad ng patas na batas sa bansa at parusahan ang mga dayuhang kumpanya na lumalabag sa batas.
Bunsod ito ng umano’y pamimirata ng SEPCO ng 700 empleyado ng Temps and Staffers Inc.
Nagsimula ito noong 2005 nang kunin ng SEPCO ang serbisyo ng TSI para magbigay sa kanila ng mga tauhang magpo-promote ng kanilang mga produkto sa Pilipinas at mga tauhan sa kanilang tanggapan.
Dahil sa pagsisikap ng mga trained employees ng TSI, tumaas ang sales ng SEPCO sa P7.2 billion noong isang taon mula sa P2.8 billion noong 2007.
Nagdesisyon ang SEPCO noong isang taon na huwag nang irenew ang kontrata nila sa TSI at lumipat sa SD Human Tech, isang kumpanya na pinatatakbo ng isang Korean national.
Gayunman, hinikayat ng SD Human Tech ang mga empleyado ng TSI employees na umalis at lumipat sa kanilang kumpanya.
Binigyang-diin ng TSI na hindi pa tapos ng mga empleyado ang kanilang kontrata sa kanilang kumpanya.