MANILA, Philippines - Sinibak na kahapon ang tagapagsalita ng Special Investigating Task Group (SITG) Lozano-Evangelista dahilan umano sa iresponsable at hindi awtorisado nitong pahayag sa kaso ng pinaslang na car dealer.
Ayon kay SITG Head P/Chief Supt. Benito Estipona, hindi totoo ang ini-leak sa isang telebisyon interview ng sinibak na si Sr. Supt. Romano Cardino hinggil sa umano’y pagiging tipster ng pulisya ni Venson Evangelista sa illegal na aktibidad ng Dominguez carnapping gang kaya ito brutal na pinaslang.
“Today, I would like to announce that I relieve the Spokesperson of SITG-Lozano and Evangelista regarding an unverified and untrue allegations, I came to know about it only today and for me this is very irresponsible and untrue statements that’s why effective today he is relieved as spokesperson of SITG,” ani Estipona sa press briefing.
Una ng isiniwalat ni Cardino na ito ang posibleng dahilan kaya dinukot, binaril sa ulo saka sinunog ang bangkay ni Evangelista matapos na dukutin ang biktima.
Naghihinala umano ang mag-utol na Raymond at Roger Dominguez na si Evangelista ang nag-tip sa mga awtoridad kaya sinalakay ang condominium unit ng una at ng live-in partner nitong si Katrina Paula sa Mandaluyong City noong Nobyembre 2010 kung saan sari-saring behikulo ang nasamsam.
Iginiit ni Estipona na wala sa testimonya ng naarestong suspek na si Alfred Mendiola alyas Bading na ang pagpatay kay Evangelista ay may kinalaman sa pagiging tipster nito. Si Mendiola at isa pang suspek na si Ferdinand Parulan ay kapwa nasa kustodiya na ng mga awtoridad.
Itinanggi din ni Estipona ang sinabi naman ni PNP Spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz Jr. na binabalak na gawing state witnesses sina Mendiola at Parulan alyas Batibot.
Si Evangelista ay dinukot habang nagte-test drive ng ibinebenta nitong Toyota Land Cruiser (NAI-316) noong Enero 13 sa Cubao, Quezon City.