MANILA, Philippines - Naalarma si Aurora Rep. Juan Edgardo Angara dahil sa serye ng pananambang at pagpatay sa mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) partikular ang mga nangangalaga sa kalikasan.
Naghain ng resolusyon sa Kongreso si Rep. Angara upang agarang umaksyon ang DENR na magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa sunud-sunod na pag-atake sa mga forest ranger at iba pang empleyado ng kagawaran.
Kinalampag din ni Angara ang Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines na kumilos upang tugusin ang mga responsable at utak sa mga pagpatay.
Naniniwala ang solon na mahalagang lumikha na rin ng batas ang Kongreso upang madagdagan ng ngipin ang DENR dahil hindi malayong may sabwatang nangyayari sa pagitan ng mga sindikato ng illegal logging at mga awtoridad.
Interesado si Angara na tutukan ang pag-uungkat sa pagpaslang kina Jacinto Dragas, Rolando Sinday at Nelson Luna, pawang mga forest ranger sa Caraga at sa isang opisyal ng pulisya na natukoy na si Christopher Mazo ng Lianga police.