MANILA, Philippines - Talamak pa rin umano ang bentahan ng nakalalasong silver cleaner sa Quiapo, Manila, sa kabila nang ipinatutupad na ban ng pamahalaan laban sa pagbebenta nito.
Natuklasan ng grupong EcoWaste Coalition matapos na suyurin ng kanilang AlerToxic Patrol nitong Enero 11 ang mga jewelry at fashion accessory shops sa Quiapo na nagkalat pa rin sa lugar ang naturang silver jewelry cleaning agent, na nagtataglay ng nakamamatay na cyanide at iba pang toxic substances.
Lumilitaw sa random test buy na isinagawa ng mga AlerToxic Patrollers, nakabili umano ang mga ito ng unregistered at unlabelled na silver cleaning products sa halagang mula P25 hanggang P60 sa may 10 jewelry shops sa Carriedo at Villalobos Sts. sa Quiapo.
Pito sa naturang mga tindahan ang nag-isyu pa ng resibo sa kanila.
Nauna rito, Enero 3, 2010 pa ay mahigpit nang ipinagbabawal ng DOH at DENR ang pagbebenta ng silver cleaner, matapos na maging paboritong gamitin ng ilang indibidwal na nais na magpakamatay.
Pinaigting pa ang ban matapos ang ilang insidente ng pagkamatay ng ilang paslit na aksidenteng nakainom ng silver cleaner.