MANILA, Philippines - Nagpalabas na kahapon ng P500,000 reward ang Special Investigation Task Group (SITG) para sa sinumang makapagtuturo sa mga salarin na nasa likod ng pagkarnap ng sasakyan, pagdukot at brutal na pagpatay sa negosyanteng si Engr. Emerson Lozano at sa driver nito.
Ayon kay SITG Chief P/Chief Supt Benito Estipona, ang nasabing reward ay mula sa isang negosyante na tumangging magpakilala na boluntaryong nag-alok ng pabuya para sa agarang ikareresolba ng kaso.
“The manner they are killed, they were both shot in the head and burned afterwards, the characteristics wound from a cal 45 (Lozano) very closely similar to the driver who sustained from a 9MM pistol wound on the head,” ani Estipona na aminadong malalim ang motibo ng krimen.
Si Emerson, 44, isang kilalang car dealer ay anak ng dating abogado ng yumaong Pangulong Marcos na si Atty. Oliver Lozano.
Lumilitaw sa imbestigasyon na matapos barilin sa ulo sina Lozano at driver nitong si Ernani Sensil ay binuhusan ng gasolina na ginamitan pa ng gulong ng sasakyan saka sinilaban ang mga bangkay.
Ang bangkay ni Sensil ay natagpuan sa La Paz, Tarlac isang araw matapos na dukutin ang mag-amo sa Quezon City noong Enero 12 habang si Emerson ay itinapon ang sunog na katawan sa isang megadike sa Porac, Pampanga na narekober noong Enero 14.
Ang mag-amo ay dinukot ng mga armadong lalaki na tinangay rin ang kulay Silver KIA model 2008 na may plakang QAE -333.
Ayon naman kay PNP-Highway Patrol Group (PNP-HPG ) Director Chief Supt. Leonardo Espina, nagpalabas na siya ng flash alarm sa buong bansa upang hanapin ang behikulong tinangay ng mga salarin kay Lozano.
Patuloy namang iniimbestigahan kung ito ang bagong modus operandi ng mga high profile syndicates at kung may pagkakatugma ang kaso nina Lozano sa pagdukot rin sa car dealer na si Venson Evangelista na tinangay rin ng mga armadong lalaki sa Quezon City noong Enero 12 at natagpuan ang sunog na bangkay sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.