MANILA, Philippines – Binatikos kahapon ng environment watchdog na Citizens’ Organization Concerned with Advocating Philippine Environmental Sustainability (COCAP) ang umano’y patuloy na paggamit ng Marikina City ng waste transfer station sa pamamagitan ng mga waste hauling contractors gayung nasa gitna ito ng malaking populasyon at hindi naisasaalang-alang ang kalusugan at pinsalang hatid sa mga residente at basurerong nangangalap ng maibebentang mga basura.
Ang pagbatikos ay bunsod ng pagbuhos ng reklamo ng mga residenteng malapit sa Dona Petra Compound sa Barangay Concepcion, na ayon kay COCAP president Rene D. Pineda, Jr. , ang site na ginawa umanong illegal dumping ay ipinasara ng national government ilang taon na ang nakakaraan pero na-convert pang waste transfer station ng lungsod.
Sa reklamo ng mga residenteng naninirahan malapit sa transfer station, sinasabing dalawang garbage haulers umano, ang Metrowaste Solid Waste Management, Inc. (Metrowaste) at International Solid Waste Integrated Management Specialist, Inc. (Int’l SWIMS) ang nag-o-operate sa nasabing lugar.
Giniit ni Pineda na siya ring pangulo ng Partnership for Clean Air (PCA); member ng executive committee of the Metro Manila Airshed Governing Board at steering committee member ng Ecowaste Coalition, na atasan ni Mayor Del de Guzman ang dalawang garbage haulers na iprisinta ang kinakailangang accreditation ng ilang ahensya ng gobyerno upang makasiguro na ang lungsod ay tumutugon sa ipinaiiral na batas.