Mga nominado sa Comelec dapat dagdagan ni PNoy - Rep. Enrile

MANILA, Philippines –  Hinimok ni Cagayan 1st district Rep. Jack Enrile si Pangulong Aquino na mas palawakin pa ang mga pagpipilian para sa itatalagang bagong chairman ng Comelec at huwag limitahan sa ilang pangalan lamang.

Ayon kay Enrile, mas makabubuti kay P-Noy kung mas marami ang pagpipilian sa babakantehing puwesto ni Chairman Jose Melo. Si Melo ay nakatakdang magretiro sa January 31.

Hindi anya maganda para sa imahe ni P-Noy na kahit sa pagpili ng mga opisyales sa mga ‘constitutional bodies’ tulad ng Comelec ay nalilimitahan na lang ang mga ito sa mga “manok” ng mga umano’y “paksyon” sa Malacanang.

“Mas mainam na marami ang pagpipilian ni Pang. Noynoy tungo sa kanyang minimithing tuwid na landas at upang maipakita niya na bukas ang kanyang isipan sa iba pang pagpipilian para sa posisyon,” wika ni Enrile.

Ang reaksyon ng Cagayan solon ay matapos lumutang sa mga ulat na tanging ang mga beteranong election lawyers na sina Romulo Macalintal at Sixto Brillantes na lang ang pinagpipilan para sa posisyong babakantehin ni Melo. Sinasabing si Macalintal ay “manok” ng “Balay/Liberal Group” habang si Brillantes naman ay pambato umano ng grupong “Samar.”

Binigyang diin ni Enrile na wala siyang tutol na maupo sa poll body ang alinman sa dalawang pangalan “subalit hindi rin masama para sa interes ng taumbayan kung mabigyan ng pagkakataon ang iba pang kwalipikadong aspirante sa nasabing posisyon.”

Show comments