MANILA, Philippines – Handang makasuhan ang mga Special Prosecutors na may hawak sa kaso ni dating AFP Major Gen. Carlos Garcia bilang pagtatanggol sa naging desisyon nila kaugnay sa plea bargaining agreement na pinasok ng dating opisyal at ng Ombudsman.
Ayon kay Special Prosecutor Joseph Capistrano, kung ang dahil sa paggawa ng tama at para sa interest ng gobyerno ay kailangan makasuhan sila ay kanya itong tatanggapin.
Nilinaw ni Capistrano na wala siyang pagsisisi sa paghawak sa kasong ito at lalo pa umano siyang naging proud na isa siya sa special prosecutor sa Ombudsman. Sa kabila nito nakakalungkot din umano na may mga taong bumabato sa kanilang ginawa.
Sa press briefing kahapon na halos inabot ng mahigit dalawang oras, inisa-isa nito sa media at inilahad kung paano at bakit sila pumayag na magkaroon ng plea bargain agreement.
Pangunahing dahilan umano ay ang mahinang ebidensya para i-convict sa kasong plunder si Garcia dahil pakiramdam umano ni Capistrano ay tila palubog na sila dahil sa nauubusan na sila ng mga ebidensya.
Iginiit ni Capistrano na sa sandaling kinulang ng pruweba kahit isang elemento lang ay entitled sa acquittal ang isang akusado.
Nilinaw pa ng Ombudsman na hindi nakialam ang US government sa isyu ng plea bargaining agreement sa kaso ni Garcia at sa halip ay kinilala nila ang tulong ng gobyerno ng Amerika habang nasa kasagsagan ng fact finding trial dahil ang property involve na Tramport Condominium ay nasa Estados Unidos.
Nagpahatid din umano ng pagbati ang US government partikular ang US Doj sa desisiyon ng Ombudsman na pumayag sa plea bargaining agreement.
Sa katunayan ayon kay Special Prosecutor Wendell Sulit ay nag-o-offer pa ang US ng traninng sa Ombudsman tungkol sa pag-manage sa mga assets na naiilit ng pamahalaan.
Samantala, tiwala naman ang panel of special prosecutors na nasagot na nila ang mga katanungang nais mallinawan ng publiko at sana daw makumbinsi na si Justice Sec. Leila de Lima sa kanilang mga ipinaliwanag tungkol sa plea bargaining agreement kay Garcia.
Nauna nang inihayag ni de Lima na maaring kastiguhin ng Pangulo ang mga special prosecutors ng Ombudsman dahil sa plea bargaining agreement.