Informer ni Ka Bart instant millionaire

MANILA, Philippines - Instant millionaire ang informer na nagturo sa kina­roroonan ng naarestong  No. 2 man ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army na si Tirso Alcantara alyas Ka Bart.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines Spokesman Brig. Gen. Jose Mabanta, may tipster na tatangap ng P2.6 M reward dahil sa pagkakaaresto kay Ka Bart na ngayo’y bantay sarado sa AFP-Medical Center sa V. Luna, Quezon City.

Kasabay nito, ibinulgar ni Mabanta na  nasakote si Ka Bart habang bumibisita sa kalaguyo nitong si Precy Hernando alyas Ka Bea na misis naman ng isa sa Morong 43 na si Eulogio Castillo. Ang Morong 43 ay ang mga miyembro at opisyal umano ng NPA na nasakote sa Morong, Rizal noong Pebrero 6 ng nakalipas na taon.

Sinabi ni Mabanta na, base sa intelligence report ng militar, ang tunay na misis ni Alcantara ay si Leda Estanislao ng Bulacan kung saan may anak ang babaerong lider ng CPP- NPA sa dalawang babae.   

Show comments