MANILA, Philippines - Limang panibagong pagyanig ang naitala sa Mt. Bulusan sa Sorsogon sa nakalipas na 24 oras kahit na nasa alert level 1 pa rin ang naturang bulkan.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), walang pag-agos ng lahar na naitala sa kabila ng mga pag-ulan ngayon sa Bicol Region.
Kaugnay nito, bigo pa rin ang Phivolcs na masilayan ang crater ng Bulusan bunsod ng makapal na kaulapan.
Sa ngayon ay nananatili ang pagbabawal ng Phivolcs na pumasok ang sinuman sa loob ng 4-kilometer permanent danger zone dahil sa posibleng biglaang pagbuga ng abo ng Bulusan.
Inabisuhan na rin ng ahensiya ang mga piloto na iwasang dumaan malapit sa tuktok ng Bulusan.