Acosta kay de Lima: Maling legal opinion itama!

MANILA, Philippines - Umapela si Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Rueda-Acosta kay Justice Secretary Leila de Lima na itama ang maling legal opinion na ipinalabas ng Department of Justice (DOJ) na kaila­ngang magbitiw si Acosta at mga de­puty nito dahil sa kawalan ng civil service eligibility.

Sa 9-pahinang Letter of Revocation, iginiit ni Acosta kay De Lima na baligtarin ang January 3, 2011 Legal Opinion ni DOJ Chief State Counsel Ricardo Paras dahil ito ay malinaw na taliwas sa batas partikular ang Republic Act 9406 o PAO Law.

Iginiit ni Acosta na dapat isantabi at ipawalang bisa ang naturang legal opinion.

Nilinaw ng PAO Chief na ang kanyang posisyon at deputy at Regional Public Attorney ay kinukunsi­derang permanent position kung kayat mayroon silang ‘security of tenure’ taliwas sa sinasabi ni Paras.

Nakasaad pa sa liham na batay sa Section 6 ng RA 9406, ang incumbent officials at personnel ng PAO ay mananatili sa kanyang position na hindi na kinakailangan ang bagong appointment.

Una nang pinasisibak ni de Lima si Acosta at mga opisyal nito dahil hindi umano qualified ang mga ito sa kanilang posisyon.

Sa legal opinion na ipinalabas ni de Lima noong Enero 3,2011, sinabing bagama’t permanente ang mga hinahawakang posisyon ng mga opisyal ay wala naman itong merito o maituturing na illegal dahil batay sa ipinatutupad na batas ng PAO, ang mga opisyal nito ay dapat kuwalipikado at mayroong Career Executive Service Officer (CESO) eligibility ngunit sa kaso umano nina Acosta ay pawang wala ito ng naturang requirements kayat walang security tenure ang mga ito kahit na ginarantiyahan sila ng batas ng PAO.

Upang masiguro umano ng mga ito ang security tenure ng kanilang mga posisyon dapat na kumuha ng CESO  examination si Acosta at ang mga deputies nito.

Show comments