Beauty doctor kulong sa tax evasion

MANILA, Philippines - Nahatulang mabilanggo ng Court of Tax Appeals (CTA) ang beauty doctor na si Dr. Joel Mendez dahil sa two counts ng tax evasion.

Sinabi ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares, si Mendez ay nahatulan dahil sa kabiguan nitong ideklara ang kanyang income tax return sa mga taong 2002-2003 at 2003-2004 na nagkakahalaga ng P1.5 milyon at P2.1 milyon.

Bukod dito, pineke umano ni Mendez ang income tax return nito ng kanyang ilagay na isa lamang branch nito ang nag-ooperate subalit sa katunayan ay dalawa pala.

Sinintensyahang mabilanggo ng CTA si Mendez ng isa hanggang dalawang taong pagkakabilanggo para sa bawat isang kaso at pagmumulta ng P10,000 o kabuuang P20,000 para sa dalawang kaso.

Nahatulan si Mendez dahil sa paglabag sa Section 255 ng National Internal Revenue Code (NIRC).

Nilinaw naman ni Henares na maituturing na maliit lamang ang kaso subalit ito ay “significant” dahil nagpapakita na tumatakbo ang kaso.

Show comments