ECC, timber license 'for sale'

MANILA, Philippines - “Milyones” umano ang hinihingi ng Department of Environment and Na­tural Resources sa mga kompanyang humihingi ng Environment Clearance Certificate (ECC).

Kaugnay nito nanawagan kahapon ang People Empowerment and Truth (PET) kay Presidente Noynoy Aquino na paim­bestigahan si acting Department of Environment and Natural Resources Secretary Ramon Paje.

Ang panawagan ay ipinaabot ng convenor ng naturang organisasyon na si Atty. Mike Domingo na nagsabing hindi dapat makumpirma ng Commission on Appointments ang posisyon ni Paje.

Umapela rin ang PET sa Office of the Ombudsman na siyasatin ang lahat ng reklamong natatanggap laban sa DENR sa pamumuno ni Paje. Umaasa ang PET na gagawa ng karampatang aksyon ang Ombudsman kaugnay nito kasabay ng panawagan sa Pangulo na pag-isipan munang mabuti bago niya bigyan ng permanenteng appointment ang kalihim.

May mga dokumento umano ang PET na nakalap na si Paje ay sangkot daw sa mga illegal na transaksyon gaya ng paghingi ng pera mula sa mga humihingi ng environmental clearance certificates (ECCs) at maging Timber License Agreements (TLAs).

Kasama sa mga nag­rereklamong hiningan ng multi-milyong pisong halaga kapalit ng ECC ay ang Tat Filipinas golf course, kung saan ang isa sa mga kondisyon na hiningi umano ni Paje kapalit ng ECC ay isama siya ng developer ng golf course sa kanilang payroll sa loob ng limang taon.

Sinabi din ni Domingo na ginagamit umano ang mga lehitimong administrative orders gaya ng ibinaba ni dating DENR secretary Lito Atienza noong 2008 na pagbabawal ng pagpuputol ng mga puno sa mga kagubatan ng lalawigan ng Aurora.

Inakusahan si Paje na umano’y tumabo ng P20 milyon nang lakarin na mai-lift ang ban pabor para sa mga licensees. Ang akusasyong ito ay pinatunayan ng mga miembro ng Philippine Wood Products Association (PWPA).

Ayon pa sa PET, nakumbinsi ni Paje si Atienza na mag-isyu ng order para i-require ang mga prospective mining firms na kumuha muna ng Ore Extraction and Processing Permit (OEPP) bago sila payagang mag-operate.

Show comments