20 years sa driver na makakapatay sa aksidente

MANILA, Philippines - Dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga aksidente sa lansangan, isang panukala ang inihain sa Senado  na naglalayong itaas ang parusa sa mga driver na makakapatay dahil sa aksidente at patawan ang mga ito ng pagkabilanggo ng mula 12 hanggang 20 taon.

Nakasaad sa Senate Bill 2096 na noon pang unang bahagi ng 2003 ay ipinakita na ng Department of Health Road Safety Program statistics na ang aksidente sa lansangan ang pang-apat sa pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga Filipino.

Napapanahon na uma­no na amiyendahan ang batas na nagpapataw ng parusa sa mga kaska­serong driver na hindi isinasaalang-alang ang buhay ng kanilang mga pasahero.

Nito lamang Enero 2, inararo nang bus na Gasat Express ang isang pampasaherong jeep sa Southern Tagalog Arterial Road(STAR) Tollway sa Batangas kung saan pitong magkakamag-anak na sakay ng jeep ang namatay habang apat ang sugatan.

Noong nakalipas na Disyembre, isang dating judge at ang misis nito ang napatay matapos banggain ng nangangarerang bus sa Commonwealth Ave. sa Quezon City.

Sa kasalukuyan, ang parusa lamang sa criminal negligence sa ilalim ng Article 365 ng Revised Penal Code ay kulong ng mula isang buwan hanggang apat na taon depende sa bigat  ng krimen nito.

Kung magiging batas, ang parusa sa mga makakaaksidete ay gagawing anim na buwan hanggang 12 taon at kung mamamatay naman ang biktima ay pagkabilanggo ng mula 12 hanggang 20 taon.

Show comments