P-Noy nakatanggap ng mountain bike bilang New Year's gift

MANILA, Philippines - Matapos mapaulat na nais ni Pangulong Aquino na mas ma­ging healthy at physically fit ngayong 2011, isang mountain bike ang natanggap niya bilang New Year’s gift.

Kinumpirma ni Presidential Security Group head Col. Ramon Mateo Dizon na sa Baguio sinalubong ng Pangulo ang Bagong Taon kasama ang kaniyang pamilya. Umakyat umano sa Baguio ang mga kapatid ng Pangulo kasama ang kani-kanilang pamilya.

Pero hindi naman kinumpirma ni Dizon kung sino ang nagregalo ng mountain bike sa Pangulo.

Ayon pa kay Dizon, bagaman at umakyat ng Baguio ang Pangulo, patuloy naman ang pagta-trabaho nito kung saan tumanggap ng mga ulat sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.

Nakipag-meeting din umano ang Pangulo noong Biyernes kay  Baguio Bishop Carlito Cenzon.

Nauna rito, inihayag ng Pangulo sa kaniyang  New Year’s message na umaasa siyang patuloy na magkakaisa ang lahat.

“Nawa’y ipagpatuloy niyo ang inyong pagkalinga sa ating kapwa, ang inyong pagbabayanihan at ang inyong pakikiisa sa ating pagtahak ng tuwid na landas,” sabi ng Pangulo.

Marami pa rin aniya ang dapat baguhin lalo na’t marami pa rin ang nagnanais na manatili sa katiwalian at ibalik ang bansa sa kadiliman.

Show comments