MANILA, Philippines - Pinahihinto sa Korte Suprema ng isang abogado ang pagpapatupad ng mahigit sa P3 milyon inisyal na toll rate o ang umaabot sa 290 porsiyentong pagtataas ng toll rate sa South Luzon Expressway (SLEX).
Sa 44 pahinang supplemental petition ni Atty. Ernest Francisco, sinabi nito na ang desisyon noong Oktubre 2010 ng Korte Suprema na nag-aalis sa temporary restraining order sa balak ng gobyernong pagtataas ng toll fees sa SLEX ay hindi pa pinal at maari pang magsampa ng motion for reconsideration.
Subalit simula sa Enero 1, 2011 ay ipapatupad na ng Toll Regulatory Board ang 290 porsiyentong increase ng toll fees sa SLEX.
Sinabi pa ni Francisco na sa halip na aprubahan ang P2.68 per kilometer rate increase, ang ipapatupad ay ang P3.024024 increase upang payagan ang South Luzon Tollways Corporation (SLTC) na mabawi ang P99 milyon lugi nito dahil sa mga hindi nakolektang fees dahil sa inisyung TRO noong Agosto ng Korte Suprema subalit inalis din ito noong Oktubre.
Ang mataas na toll rate na P86 ay mula sa Alabang, Muntinlupa City hanggang Calamba, Laguna.
Paliwanag naman ni Francisco, inaprubahan ang pagtaas ng toll fees ng walang kaukulang konsultasyon mula sa publiko.