MANILA, Philippines - Naghabol pa ng panibagong pagtataas sa presyo ng mga produktorng petrolyo ang ilang kumpanya ng langis bago magtapos ang kasalukuyang taon.
Inumpisahan ng Filipinas Shell ang pagtataas dakong alas-12:01 ng hatinggabi kung saan iniakyat nito ng P1 kada litro ang presyo ng lahat ng kanilang produktong gasolina. Itinaas rin ng P.75 kada litro ang presyo ng diesel.
Dakong alas-6 naman ng umaga nang sumunod ang isa pang miyembro ng Big 3 na Chevron Philippines. Itinaas rin nito ng P1 kada litro ang presyo ng lahat ng gasolina, at P.75 kada litro ng diesel at kerosene.
Sumunod dakong alas-7 ng umaga ang independent oil player na Eastern Petroleum na nagpatupad ng katulad na price increase maliban sa produktong kerosene.
Bago ang naturang pagtataas, nagpatupad na ng dalawang price increase ang mga kumpanya ng langis ngayong buwan ng Disyembre. Nauna dito ang P1.50 kada litro pagtataas noong Disyembre 7 na sinundan ng P1.25 kada litro noong Disyembre 15.
Dahil dito, pumapalo na ngayon ang presyo ng gasoline sa P48.50 kada litro; at P38 kada litro sa diesel sanhi upang magreklamo na ng mga transport groups na humihingi naman ngayon ng dagdag pasahe.
Ikinatwiran ng mga kumpanya ng langis ang sunud-sunod ding pagtataas sa presyo ng krudo sa internasyunal na merkado na kailangan nilang sundan. Noong nakaraang linggo, pumalo sa higit $90 kada bariles ang presyo ng Asian crude na pinakamataas sa loob ng dalawang taon.