MANILA, Philippines – Ibinasura ng limang self-confessed na miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) na kabilang sa Morong 43 ang homecoming call ng Commission on Human Rights (CHR) at grupong Karapatan.
Ayon kay Philippine Army acting spokesman Col. Daniel Lucero, ito’y matapos na tanggihan mismo ng nalalabi pang lima sa Morong 43 na sumama sa sumusundo sa mga itong mga miyembro ng CHR sa pangunguna ni Commissioner Jose Mamawag at Karapatan member Cristina Palabay.
Ang lima ay nanatili sa kustodiya ng Army sa 2nd Infantry Division sa Camp Capinpin, Tanay, Rizal matapos ang mga itong umaming lehitimong miyembro ng NPA rebels. Una rito, pinalaya ang 38 sa kanilang mga kasamahan kamakailan.
Sinabi ni Lucero na sa kabila ng mga pag-iyak ni Adoracion Paulino, ina ng isa sa limang rebelde ay nagmamatigas ang mga itong lisanin na ang Camp Capinpin para makauwi sa kanilang mga tahanan kaugnay ng nalalapit na pagdiriwang ng kapaskuhan.
Sa kanilang nasaksihan, ayon kay Lucero sa kabila ng pagmamakaawa ng halos lumuhod ng si Gng. Paulino ay bigo ito na kumbinsihin ang kaniyang anak na si Valentino Paulino na umuwi na sa kanilang tahanan.
Ang iba pa sa mga ito ay sina Cherilyn Tawagon, Eleanor Carandang, Jennyllyn Pizzaro at John Mark Barrientos.
Inihayag ng mga ito na trinatrato sila ng maayos ng mga bantay nilang sundalo kaya sa ngayon ay ayaw na muna nilang magsiuwi sa kanilang mga tahanan.
Dahil dito ay binigyan na lamang ng calling card ng mga opisyal ng CHR at Karapatan ang lima na sinabi pang inirerespeto nila ang desisyon ng mga ito.