MANILA, Philippines – Sinalakay ng mga operatiba ng National Capital Region-Criminal Investigation and Detection Unit ng PNP-CIDG ang isang pabrika ng harina na responsable umano sa pagpapakalat ng mga hindi ligtas na produkto sa paggawa ng tinapay.
Sa search warrant na inisyu ng Manila Regional Trial Court Branch 21 Executive Judge Amor A. Reyes, binigyan nito ng kapangyarihan ang mga taga-PNP-CIDG na magsagawa ng raid sa Marco Polo Flour Mills, Inc. na nasa No. 53 Planters St., Rincon Compound, Malinta, Valenzuela City dahil sa panganib na posibleng idulot ng mga produkto nito sa publiko.
Batay sa imbestigasyon ng PNP, nabatid na nilabag umano ng kumpanya ang Article 40 (a) 41 at Article 85 ng Republic Act 7394 o mas kilala bilang Consumer Act of the Philippines dahil sa paggawa nito ng mga arina na hindi puwedeng ihalo sa pagkain ng tao at mislabeled o mapanlinlang na pangalan ng mga produkto.
Ayon kay Senior Insp. Cesar Dalonos, bago isinagawa ang raid, sinubukan nilang bumili ng “Royal Flour” sa Marco Polo at ito ay kanilang ipinasuri sa Food and Drugs Administration kaya nadiskubre nilang mapanlinlang ang isinasaad sa labelling nito na “fortified with vitamin A at Iron” batay na rin sa naging resulta ng eksaminasyon.
Sinabi pa ng PNP-CIDG na natuklasan din sa pagsusuri ng FDA na “wheat feeds” para sa hayop ang ginagamit umano ng Marco Polo sa kanilang produkto sa halip na”wheat flour” para makain ng tao.
Matapos ang raid, nasamsam ng mga operatiba ng PNP-CIDG ang mahigit dalawang libong sako ng trigo at mga wheat feeds mula sa kompanya.
Kinasuhan na ng paglabag sa Consumer Act ang may-ari ng Marco Polo Flour Millls na nakapangalan sa mga Chinese at Filipino-Chinese na sina Sally Chen, Shibao Wang, Jan Jun, Ramon Ong at Steve Chua.