MANILA, Philippines - Naglabas kahapon ng gag order ang Sandiganbayan para sa mga special prosecutors ng Office of the Ombudsman at lahat ng mga partidong sangkot sa kontrobersiyal na plunder case ni dating Armed Forces of the Philippines (AFP) comptroller retired Gen. Carlos Garcia.
Sa binasang kopya ng court order, ipinaliwanag ni Jesus Micael, deputy special prosecutor na pinagbawalan na sila ng anti-graft court na magsalita pa sa publiko o magbigay ng komento sa media hinggil sa kaso.
“The parties, their lawyers and representatives are hereby ordered to refrain from issuing any press releases or granting any press interviews or otherwise making any comment or opinion on these cases pending the promulgation of the decision herein,” ang bahagi ng ipinalabas na gag order ng korte.
Una rito, ipinagpaliban din kahapon ng umaga ng Sandiganbayan Second Division ang promulgasyon, kung kakatigan o ibabasura ang nabuong plea deal ng Ombudsman kay Garcia.
Bunsod nito, inaasahan na sa susunod na taon na lamang busisiin ang naturang usapin sa Sandiganbayan.