MANILA, Philippines – Dahil nananatili umanong mataas ang rating ng mga miyembro ng Gabinete ni Pangulong Aquino, wala itong balak na palitan sa puwesto si Department of Social Welfare Secretary Dinky Soliman.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, walang katotohanan ang kumakalat na ispekulasyon na balak ng Pangulo na tanggalin sa posisyon si Soliman.
Nag-ugat ang nasabing ulat sa House of Representatives kung saan may nagsabing balak ilagay ng Pangulo sa DSWD si dating Akbayan Rep. Risa Hontiveros.
Si Hontiveros ay isa sa mga hindi pinalad na kandidatong senador ng Liberal Party noong nakaraang presidential elections kung saan nakasama niya si Aquino.
Hindi pa rin ito maaaring italaga sa Gabinete dahil sakop pa ng ban kung saan ipinagbabawal na bigyan ng posisyon sa gobyerno isang taon matapos ang eleksiyon.
Bagaman at hindi binanggit ni Valte kung may mangyayaring pagbabago sa hanay ng Gabinete pagkatapos ng one year ban, sinabi nito na walang revamp hanggang matapos ang taon.
Samantala, isa rin sa napapaulat na posibleng bigyan ng posisyon ng Pangulo pagkatapos ng one year ban ang kaniyang ka-tandem na si dating senador Mar Roxas.