MANILA, Philippines - Binigyan ni Pangulong Aquino ng puwesto sa gobyerno ang ama ng composer-singer na si Ogie Alcasid.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, karapat-dapat sa puwesto at may kwalipikasyon ang ama ni Ogie na si Atty. Herminio Alcasid Sr. upang hawakan ang posisyon bilang chairman ng Philippine National Oil Company (PNOC) -Development and Management Corp.
Ayon kay Sec. Lacierda, hindi ang pagiging ama ng singer ang naging batayan upang ilagay sa puwesto si Atty. Alcasid kundi dahil sa kwalipikasyon nito.
Ipinagtanggol din ng Palasyo ang pagkakatalaga sa ‘kaibigan’ ni Boy Abunda bilang assistant vice-president for entertainment ng PAGCOR.
Wika pa ni Lacierda, hindi dapat bahiran ng anumang malisya ang pagkakatalaga sa mga kaanak ng mga showbiz personalities na tumulong kay Aquino noong kampanya.
Aniya, ang mga ito ay itinalaga dahil sa kanilang kakayahan at hindi bilang bayad-utang na loob sa mga naitulong ng mga kaanak nitong showbiz personalities sa kampanya ni P-Noy.