MANILA, Philippines - Dinedma lamang kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang isinagawang ‘hunger strike’ ng Morong 43 bilang protesta umano sa kawalang aksyon ng administrasyon na palayain na ang kanilang grupo.
Ayon kay AFP Spokesman Brig. Gen. Jose Mabanta, kahit na ano pang hunger strike ang isagawa ng Morong 43 ay hindi mababago ng mga ito ang katotohanan na sila’y mga lehitimong miyembro ng NPA na pilit nagkukubling mga ‘health workers’.
Una ng tinawag na mga pekeng ‘health workers’ ng AFP ang Morong 43 na naaresto sa Morong, Rizal noong Peb. 6, 2010 kung saan ay nahulihan rin ang mga ito ng mga eksplosibo, bala at mga armas.
Sinabi ni Mabanta na bilang isang demokratikong bansa ay hindi nila pipigilan ang karapatan ng Morong 43 na magdaos ng ‘hunger strike’ kung ito ang nais ng mga ito.
Sa kasalukuyan ay nakapiit sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City ang 38 sa Morong 43 habang lima sa mga ito ang nagsisuko matapos na umaming mga rebelde.
Nabatid na patuloy sa pagmamatigas ang Morong 43 na ikinakatwirang illegal umano ang ginawang pag-aresto sa kanila pero nanindigan naman ang AFP na lehitimo ito.