MANILA, Philippines - Sa kabila ng banta ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na hindi magpapahuli ng buhay, tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na hindi magpapatupad ng “shoot-to-kill order” sa pagdakip sa puganteng senador na wanted sa kasong double murder.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., labag sa batas ang ‘shoot-to-kill order’ dahil maging ang mga kriminal ay may karapatan pa rin sa karapatang pantao kapag inaaresto.
Sa kabila nito ay hindi naman naniniwala si Cruz na mauuwi sa karahasan ang pag-aresto kay Lacson dahil bilang dating hepe ng PNP noong panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Joseph Estrada ay alam ng senador ang trabaho ng isang pulis.
Matatandaang sinabi ni Lacson sa pamamagitan ng email na lalantad lamang siya kung mabibigyan ng tamang hustisya at kung siya ay patay na.
Una nang ibinunyag ni Justice Secretary Leila de Lima na may impormasyon sila na nasa Pilipinas lamang nagtatago ang puganteng senador.
Samantala, pinayuhan kahapon ni Sen. Kiko Pangilinan na dapat lumantad na si Lacson at magpasakop sa proseso ng batas.
Ayon kay Pangilinan, dapat tularan ni Lacson ang kanilang kasamahang si Sen. Antonio Trillanes IV na hinarap ang kaso at ginagampanan ang kaniyang trabaho bilang senador kahit nakakulong.
Kung inosente si Lacson, wala itong dapat ipangamba lalo na’t bago na ang administrasyon na ang mandato umano ay magsilbi sa interest ng taumbayan.
Si Lacson ang itinuturong mastermind sa pagdukot at pagpatay sa PR publicist na si Salvador “Bubby” Dacer at sa driver nitong si Emmanuel Corbito noong 2000. (May ulat ni Malou Escudero)