MANILA, Philippines - Tinanggal na ng Senado ang P872 milyong nakapaloob sa budget ng Department fo Health (DOH) na ilalaan sana sa pambili ng pills at injectibles at inilagay ang pondo sa State Universities and Colleges (SUCs).
Ayon kay Sen. Vicente “Tito” Sotto, ang tinapyas na budget ng DOH ay inilipat sa SUCs sa halagang P143 milyon, samantalang P211 milyon naman ang ilalaan sa scholarships. Ang butal ay hahanapan pa kung saan ilalagay.
Inamin din ni Sotto na siya ang nagsulong na tanggalin ang budget para sa contraceptives katulad ng pills at injectibles. Pero may itinira umanong P8 milyon para ipambili ng condom.
Nauna ng sinabi ni Sotto na labag sa Article 2, Section 12 ng 1987 Constitution ang paggamit ng mga contraceptives dahil dapat umanong siguraduhin ng estado na ang lahat ng mamamayan pati ang mga sanggol sa sinapupunan pa lamang ng isang ina ay magkakaroon ng karapatan na mabuhay.
Nasa P32.627 bilyon ang hinihinging budget ng DOH para sa 2011 pero dahil sa tinapyas na ang P872 milyon ay P31.755 bilyon na lamang.