MANILA, Philippines - Siniguro kahapon ng Aquino administration na mayroon itong sapat na pondo sakaling magpatupad ng evacuation sa mga OFW’s na nasa South Korea sa sandaling lumala ang sitwasyon.
Sinabi ni Budget Secretary Florencio Abad kahapon, may sapat na pondong nakalaan sa sandaling kailangang ilikas ang may 50,000 OFW’s na nasa Korea sakaling lumala ang sitwasyon sa Korean peninsula.
Hindi naman binanggit ng Department of Budget and Management (DBM) chief ang halaga ng puwedeng gastusin ng gobyerno sakaling ilikas ang lahat ng OFW’s na nasa Korea.
Winika pa ni Abad, patuloy ang pagtutok ni Pangulong Benigno Aquino III sa pangyayari sa Korean peninsula at may nakahanda na itong mga contingency plan sakaling kailanganing ilikas ang mga Pinoy.