Website ni Sotto na-hack

MANILA, Philippines - Hindi nakaligtas sa mga hacker ang website ni Senate Majority Leader Sen. Tito Sotto na posible umanong  kagagawan ng mga nagagalit sa kanya matapos linawin ang isyu tungkol sa pondo ng mga  State Universities and Colleges (SUCs) o kaya naman ay kagagawan ng mga  kontra sa gi­nagawa niyang pagtutol  sa halos P900 milyon pondo para sa contraceptives.

Ayon kay Sen. Sotto, hindi siya natatakot sa sinumang nang-hack sa kaniyang website na tinawag pa niyang “cheap shot”.

“I already received reports who is behind this malicious attack against me. Obviously some people did not like my expose’. I am not threatened by this cheap shot. Instead I will continue to do my job as an elected senator or the Republic. Kung mga drug lords hindi ako natakot, sila pa,” giit pa ng mambabatas.

Matatandaan na tinawag ni Sotto na “multo” ang sinasabing budget cut ng mga estudyante sa pondo ng mga SUCs dahil kung tutuusin umano ay wala naman talagang kinaltas  sa pondo.

Ginawang umanong katatawanan ang website ni Sotto kung saan ay pinalabas na may mensahe ang senador  na tatakbo umanong pangulo ng bansa.

Noong nakaraang linggo rin ay tinutulan ni Sotto ang  paglalaan ng gobyerno ng halos  P900 na milyon para ilaan sa contraceptives.

Nilinaw kahapon ni Sotto na hindi naman niya hinaharang ang kabuuang P32.7 bilyong budget ng Department of Health kung ang rationale sa likod nang pondo para sa contraceptives.

Show comments