MANILA, Philippines - Dahil mataas pa rin ang tensiyon sa Korean Peninsula, nagdesisyon ang gobyerno ng Pilipinas na pansamantalang ipatigil ang pagpapadala ng mga overseas Filipino workers sa nasabing bansa.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na inirekomenda ng Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Labor and Employment (DOLE) at iba pang mga ahensiya ng pamahalaan ang pansamantalang deployment ban ng OFWs.
Nauna rito, isang team ang inatasan ni Pangulong Aquino na patuloy na bantayan ang sitwasyon sa Korea dahil sa dami ng bilang ng OFWs na nagtatrabaho doon.
Nauna nang napaulat na kulang-kulang na 50,000 ang mga OFW sa Korean peninsula kabilang na ang mga hindi dokumentadong manggagawa.
Sinigurado rin ni Valte na may nakahandang plano ang gobyerno para sa kaligtasan ng mga OFWs kung sakaling mas lumala pa ang sitwasyon.
Pero umaasa pa rin umano ang Malacañang na mas bumuti ang sitwasyon sa pagitan ng North at South Korea,.
Bagaman at ipinag-utos umano ng Pangulo ang test-run sa contigency plan hindi ito nangangahulugan na inaasahan ng gobyerno ang paglala ng sitwasyon.
Ayon naman kay Ambassador Luis Luis Cruz ng Embahada ng Pilipinas sa Seoul, nakatutok sila ngayong araw ng Linggo sa gagawing joint war games exercise ng Sokor at US military.
Ito’y matapos na magbabala ang Nokor na maglulunsad ng giyera at sunud-sunod na pambobomba laban sa Sokor.
Bilang bahagi ng contingency plan ng DFA, sinabi ni Cruz na ililikas ang mga Pinoy sa Busan City bilang exit point bago tumulak patungong Japan at ililipad pauwi sa Pilipinas.
Ayon sa Sokor government, matagal nang naitakda ang US-Sokor war games exercise bago pa man ang pag-atake ng Nokor at pagpapakawala ng artillery sa Yeonpyeong island.