MANILA, Philippines - Pabor ang pamunuan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa panukala ni Congressman Ben Evardone na limitahan sa kalahating bilyong piso ang jackpot prize sa lotto.
Taliwas ito sa naunang pahayag ni PCSO assistant general manager Liza Gabuyo na walang limitasyon ang jackpot prize sa lotto dahil ito daw ang nakasaad sa batas.
Sinabi ni PCSO chairperson Margie Juico dapat nasa P300 milyon hanggang P500 milyon lamang ang ceiling sa jackpot prize. Anya, masyadong malaki na ang nasabing halaga para sa isang ordinaryong Pilipino na sanay naman sa karaniwang buhay.
Katunayan ayon kay Juico, napag-usapan na ng limang board member ang panukala ni Evardone at posibleng isalang ito sa board hearing sa susunod na taon.
Una nang iminungkahi ni Evardone sa Kamara na limitahan sa kalahating bilyong piso ang jackpot prize sa lotto at kung hindi mapapanalunan ay dapat nang i-donate sa isang charitable institution.