MANILA, Philippines - Muli na naman umanong nagpakawala ng artillery ang North Korea sa isla ng Yeonpyeong sa South Korea makaraan ang kanilang unang pag-atake noong Martes.
Ang sunud-sunod na putok at pagsabog ay naganap ilang oras lamang matapos na bumisita sa nasabing isla si US commander in South Korea Gen. Walter Sharp.
Gayunman, wala pang kumpirmasyon ang Sokor government sa nasabing panibagong pag-atake na ikina-panic ng mga nalalabing residente sa isla. May 20 rounds ng artillery ang muling pinakawalan sa lugar.
Ipinalalagay naman na posibleng mula naman ito sa isinasagawang drill ng Sokor military at US forces upang mapagtibay ang kanilang depensa. Isang planong “joint war games exercise” ang isasagawa ng US at Sokor military sa Yellow Sea sa Linggo.
Bunga nito, nagbabala ang Nokor na kapag itinuloy ang nasabing war games exercise bilang hudyat ng pagtulong at pakikialam ng US sa hidwaan sa Korean peninsula ay maglulunsad sila ng pag-atake at giyera laban sa Sokor.
Samantala, binuksan na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang “voluntary repatriation” para sa may 60,000 OFWs na naiipit sa bakbakan.
Naglaan na ang DFA at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ng halagang P50 milyon bilang pondo sa planong mass evacuation sa mga Pinoy.
Gayunman, nilinaw ng DFA na hindi manggagaling ang gastusin sa plane ticket ng mga lilikas na OFWs sa nasabing pondo.
Niliwanag ni DFA Usec. for Migrant Workers Affairs Esteban Conejos Jr. na responsibilidad ng kani-kanilang employer ang repatriation expenses ng mga OFWs.
Aalis ngayong araw ang Crisis Management team sa pamumuno nina special envoy Roy Cimatu at Ambassador Ric Endaya patungo sa Sokor upang magsagawa ng assessment sa sitwasyon at matukoy kung ilalarga na ang paglilikas sa mga Pinoy.
Nag-alok naman ang pamunuan ng Philippine Airlines (PAL), ang flag carrier ng Pilipinas, ng kanilang “emergency flights” para sa paglilikas ng mga Pinoy sakaling sumiklab pa ang bakbakan.