MANILA, Philippines – Binuwag na kahapon ni Pangulong Aquino ang Presidential Anti-Graft Commission (PAGC) sa ipinalabas nitong Executive Order no. 13.
Sa ilalim ng EO 13 na nilagdaan ng Pangulo noong Nov. 15 subalit kahapon lamang inilabas, layunin ng pagbuwag sa PAGC na direktang ang Office of the President (OP) na ang magsasagawa ng imbestigasyon sa graft and corruption cases ng mga presidential appointees kabilang ang mga opisyal ng Government Owned and Controlled Coporations.
Ang mga functions ng PAGC tulad ng pag-iimbestiga, adjudicatory, recommendatory at iba pang kapangyarihan ay inilipat na sa Office of the Deputy Secretary for Legal Affairs ng OP.
Nilikha ni dating Pangulong Gloria Arroyo ang PAGC noong Abril 2001 upang imbestigahan at dinggin ang mga administrative cases ng mga reklamo sa presidential appointees.
Bukod sa PAGC, siyam na iba pang ahensiya ang posibleng buwagin kaya hindi na ito binigyan ng budget sa ilalim ng proposed 2011 budget.