MANILA, Philippines - Dahil sa mainitang palitan ng putok at pagpapakawala ng bomba sa pagitan ng nag-aalburotong North Korea laban sa South Korea, naiipit ngayon ang may 60,000 Pinoy na kasalukuyang nagtatrabaho at nakatira sa Sokor.
Ayon kay Ed Malaya, tagapagsalita ng Department of Foreign Affairs, inalerto na nila ang Embahada ng Pilipinas upang imonitor ang kalagayan ng mga Pinoy sa lugar na apektado ng pambobomba.
“The Philippine Embassy in Seoul is closely monitoring development in South Korea following the recent exchange of artillery fire in the West Sea border. The Embassy has contacted Filipino residents near the area of conflict and advised them to keep abreast of developments, keep communication lines open, and contact the Embassy hotline immediately incase of need,” ani Malaya.
Nabatid na nagpakawala ng artillery fire ang North Korea sa isang isla sa South Korea na naging dahilan ng pagkasawi ng dalawang sundalo ng Sokor at pagkasugat ng 15 katao.
Sa galit ng pamahalaang Sokor ay gumanti sila ng pagpapakawala ng bomba sa pamamagitan ng kanilang fire jets sa North Korea.
Sinabi naman ni Ambassador Luis Cruz na walang Pinoy ang nadamay sa mga nasugatan sa pag-atake.
Sinabi ni DFA na may 60,000 Pinoy ang kasalukuyang nakatira sa Metropolitan Seoul region at sa iba pang bahagi ng South Korea.
Kinondena ng Estados Unidos ang ginawang pag-atake ng North Korea at ang pagganti ng South Korea kasabay ng panawagan na itigil na ang bangayan ng dalawang magkalabang bansa.