Pinas red alert na vs bird flu!

MANILA, Philippines - Nakaalerto na ang Pilipinas sa posibleng pagpasok ng bird flu virus na naiulat na nakapambiktima na ng isang babae sa Hong Kong.

Ayon kay Department of Agriculture (DA) Undersecretary Salvador Salacup, bunsod ng ulat na ito ay isinailalim sa red alert status ang mga entry points sa bansa bilang bahagi ng paghihigpit na maiwasang makapasok ang naturang virus.

May nakakalat na ring mga foot bath sa lahat ng paliparan bilang preventive measures at proteksiyon ng mga tao.

Masusi rin ang pag-inspeksyon sa mga pasaherong dumarating sa lahat ng NAIA terminals na dumadaan sa thermal scanner upang makita kung mayroong lagnat, bukod pa sa paggamit ng ear thermometer.

Inaalam din kung may ubo at sipon ang mga pasahero upang agad na ma-isolate sa iba. 

Inatasan na rin ni Salacup ang lahat ng DA regional office sa buong bansa na bantayan ang pagpasok ng poultry product lalo na mula sa mga apektadong bansa.

Gayunman, binigyan-diin ng Department of Health (DOH) na walang dapat ikabahala ang publiko dahil hindi pa nakapapasok sa Pilipinas ang bird flu.

Ang bird flu ay isang nakakahawang sakit ng mga ibon, manok, bibe at gansa na maaaring makamatay at maaaring makahawa sa tao.

Ayon kay Dr. Eduardo Canairo, director ng National Center for Disease Prevention and Control ng DOH, naihahawa ang bird flu sa tao sa pamamagitan ng dalawang paraan: una kapag nahawakan o na­singhot ang mga infected discharges ng manok o ibon tulad ng laway, dumi at sipon. Pangalawa, mula sa intermediate host tulad ng baboy.

Ang mga sintomas ng bird flu ay katulad ng sa influenza na lagnat, ubo, pamamaga ng lalamunan, pagdudumi, pagsusuka, pananakit ng tiyan, pagdurugo ng ilong at gilagid at hirap sa paghinga para sa mga taong may malalang kaso.

Binigyang diin naman ng opisyal na wala dapat ikabahala dahil ang paggamot sa taong may bird flu ay tulad din sa paggamot ng ibang uri ng influenza. Kailangan lamang aniya na ihiwalay agad ang pas­yente at dalhin sa ospital.

Payo ni Canairo sa mga mamamayan, agad na i-report sa kanila at kaukulang otoridad kapag may nabalitaang pagkamatay ng mga ibon o manok para sa tamang pag-aksyon ukol dito.

Show comments